
‘Alipato at Muog’: Multiple nominations at Gawad Urian
Nakatanggap ng mga nominasyon sa Ika-48 Gawad Urian ang dokumentaryong “Alipato at Muog” ni JL Burgos para sa Best Film, Best Director, Best Screenplay, Best Production Design, Best Cinematography at Best Editing.
Sa inilabas ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na listahan ng mga nominado sa para sa Ika-48 Gawad Urian nitong Set. 4, muling nakakuha ng mga nominasyon ang dokumentaryong “Alipato at Muog” ni JL Burgos, kapatid ng dinukot na tanggol-magsasakang si Jonas Burgos.
Nakatanggap ng mga nominasyon para sa Best Film, Best Director, Best Screenplay, Best Production Design, Best Cinematography at Best Editing ang dokumentaryo.
“Nakakataba ng puso ang pagkilala ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa ‘Alipato at Muog’. Malaking pasalamat ng buong team ng ‘Alipato at Muog’ sa Gawad Urian,” sabi ni JL .
Ibinabahagi ng dokumentaryo ang karanasan ng pamilya Burgos sa paghahanap kay Jonas. Masining nitong tinahi ang testimonya ng mga reporter, mga abogado, mga tanggol-karapatan at mga ayaw magpapangalan, para ipakita ang reyalidad ng paghahanap sa mga desaparecido o mga dinukot at sapilitang iwinala ng estado.

Sina JL Burgos (ikalawa mula sa kaliwa sa itaas), direktor ng “Alipato at Muog”, at Mona Nieva (kanan), executive producer, kasama ang mga katuwang na organisasyon sa University of the Philippines Tacloban para maipalabas ang dokumentaryo sa nasabing pamantasan. Alipato at Muog/Facebook
“Mahuhusay ang mga kapwa naming [nominee] at mapabilang sa mahuhusay na tagapaglikha ng mga pelikula ay karangalan na. Pero sa tingin ko ang mas mahalaga bukod sa husay ng mga kapwa [nominee] ay alam ko na kasama ko silang nanawagang ilitaw ang aking Kuya Jonas,” dagdag ni JL, habang abala sa pagpapalabas ng pelikula sa University of the Philippines (UP) Tacloban.
“Maaaring maliit na bagay sa iba pero sa aming mga kaanak ng mga desaparecido ay malaking hakbang tungo sa katarungan. Sa atin tagumpay na ito,” sabi ng direktor.
Matapos ang pagsali sa Cinemalaya 2024, nailibot na ang dokumentaryo sa iba’t ibang paaralan sa bansa. Kasabay ng kaliwa’t kanang mga talakayan ang aktibong pagsuporta sa mga pamilya na biktima ng sapiling pagkawala.
Sa UP Tacloban, mapupunta ang lahat ng kikitain sa pagbenta ng tiket sa mga pamilya ng mga desaparesidos at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
“Hindi lang ito selebrasyon para sa taglay na husay ng pelikula, pero pagkapanalo ng katotohanan laban sa sensura at kawalang hustisya,” sabi ng Surian ng Sining (SUSI) sa pagkapanalo ng dokumentaryo bilang Best Picture at ni JL bilang Best Director sa 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (Famas) Awards.
“Kinokompronta ng ‘Alipato at Muog’ ang pinananaig na katahimikan at inhustisya sa sapilitang pagkawala ni Jonas Burgos, at isinisiwalat nila ang papel ng estado tulad ni General [Eduardo] Año, at iba pang may kapangyarihan, na matagal nang umiilag sa pananagutan,” sabi ng SUSI.
