‘CineElbi 2026: Hit Wave’ sets sail with six Cinemalaya films this April 28 to 30 in UP Los Baños

By Explained PH

Sa gitna ng unos, may nagbabadyang pag-aalsa. 

Magpapalaot muli ang CineElbi, ang opisyal na film-screening event na inihahandog ng UP Film Circle katuwang ang UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts, kasama ang anim na pelikula mula sa Cinemalaya 2025 ngayong ika-28 hanggang ika-30 ng Abril sa NCAS Auditorium, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, UPLB. 

Sa unang pagkakataong magiging ganap na film festival ang CineElbi — bitbit ang hindi lang isa, kundi anim na pelikulang Pilipino — hangad nitong padaluyin ang naratibong nanggagalugad sa iba’t ibang paraan ng paghihiganti ng tao sa mga kalamidad na sumasalakay sa kanilang lupa, komunidad, at katawan. Sa pagsama-sama ng anim na pelikula mabubuo ang mas malawak na larawan ng lipunang ating kinagagalawan. Hindi lamang iisang tinig ang maririnig, kundi isang kolektibong panawagan at salaysay mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Hangad ng CineElbi 2026: Hit Wave na pasiklabin ang nag-iinit na panawagan ng taumbayan para sa tunay na katarungan at kalayaan. 

Bilang isang sosyo-kultural at natatanging organisasyong pampelikula sa UPLB, naniniwala ang UP Film Circle sa kapangyarihan ng pelikula at sining na magpamulat at makapagbago ng sistema. Labas sa estetika at kaanyuan ng pelikula, nagsisilbi ito bilang isang platapormang nang-uudyok o sandatang lumalaban sa gitna ng tumitinding krisis pang-ekonomiya, pang-kalikasan, at pang-kultural na nararanasan ng buong mundo. 

Inaanyayahan ng CineElbi ang mga indibidwal at organisasyon sa loob ng pamantasan at sa bayan ng Los Baños na sumama sa pagsisid sa talakayan tungkol sa iba’t ibang unos ng lipunan kasama sina Direk Sari Dalena ng Cinemartyrs, Direk Noni Abao ng Bloom Where You Are Planted, ang manunulat na si Raymund Barcelon at Direk Cheska Marfori ng Paglilitis, Direk Ryan Machado ng Raging, Direk Renei Dimla ng Republika ng Pipolipinas, at Direk Jenn Romano ng Padamlagan.

Mga opisyal na poster ng pelikula mula sa CineElbi 2026: Hit Wave 

Ang bawat tiket kada pelikula ay nagkakahalagang 150 pesos, ngunit maaaring magpakita ng student, PWD, o senior citizen ID para makuha ito nang 120 pesos na lamang. Maaari ring mapanood ang lahat ng pelikula sa pagpili ng Festival Pass na nagkakahalagang 600 pesos. 

Subaybayan ang pagdaong ng CineElbi 2026: Hit Wave sa opisyal na Facebook pages ng CineElbi at UP Film Circle.